Pinaghahanda ngayon ng Climate Change Commission (CCC) ang mga Pilipino sa pinakahuling babala nito ukol sa inaasahang banta ng El Niño sa bansa ngayong taon.
Ito ay matapos ilabas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang forecast nito ng malakas na aktibidad ng El Niño ngayong buwan na magpapatuloy mula Marso hanggang Mayo.
Inirerekomenda ng CCC ang mga proactive na hakbang sa mga tahanan at komunidad tulad ng National Climate Change Action Plan at Local Climate Change Action Plans para sa matibay na pagtugon sa El Niño phenomenon.
Kung saan, ayon sa PAGASA, ay makakaapekto sa mga lugar tulad ng Metro Manila at 23 pang mga lalawigan.
Matatandaang noong nakaraang buwan lamang pumirma si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng Executive Order No. 53 na naglalayong paigtingin ang mga pagsisikap para sa isang komprehensibong plano ng kahandaan at rehabilitasyon sa mga kalamidad tulad El Niño at La Niña. | ulat ni EJ Lazaro