Pinasalamatan ni Davao de Oro Governor Dorothy Gonzaga ang rescue dog ng Coast Guard District Southeastern Mindanao na si Appa dahil sa pagka-rescue ng tatlong taong gulang na batang babae na natabunan sa nangyaring landslide sa Barangay Masara, sa bayan ng Maco noong gabin ng Pebrero 6, 2024.
Sa isinagawang virtual press conference, sinabi ng gobernador na si Appa ang naka-detect sa bata kung saan agad itong pinuntahan ng Search and Rescue Team ng Coast Guard.
Ayon kay Gonzaga na nakita umano ang bata na natakpan ng yero matapos mahukay ang nakatabon na lupa.
Paliwanag ni Gonzaga na ang nakatabon na yero ang naging dahilan kung bakit naka-survive ang bata kahit pa 60 oras na itong nakalibing dahil sa hanging nakapasok dito.
Sa ngayon, nasa Davao Regional Medical Center sa Tagum City, Davao del Norte na ang bata matapos umano itong makitaan ng bukol sa tiyan.| ulat ni Armando Fenequito| RP1 Davao