Bumisita ngayong araw si COMELEC Chair George Garcia sa House of Representatives para tingnan ang isinasagawang Register Anywhere Program doon.
Ngayon ginawa ang unang voter’s registration sa Kamara na susundan ng isa pa sa March 21.
Nagpasalamat naman si Garcia sa suporta ng Kamara sa paghihikayat sa mga Pilipino na magparehistro.
Ayon kay Garcia hanggang nitong February 28 ay umabot na sa 750,000 ang nagparehistrong botante sa pamamagitan ng RAP.
Maliban sa mga empleyado, staff at mismong mga mambabatas ay maaari ring magparehistro ang mga empleyado ng kalapit ahensya ng Kamara gaya ng DSWD.
Pagbabahagi ni Garcia, na sunod nilang pupuntahan ang mga lugar na hindi gaano nabibisita upang ipakita na kahit saan sa Pilipinas ay maaaring makapagparehistro, gaya na lamang sa Camp Garapanan at Camp Abubakar.
Pagbibida pa ng opisyal na nagkaroon din ng RAP sa mga lugar ng pagsamba ng El Shaddai, Jesus is Lord, Ang Dating Daan, at Iglesia ni Cristo.
At magkakaroon din aniya sa iba pang religious denomination katulad ng Baptist, Latter Day Saints, Protestant at mga kapatid nating Muslim. | ulat ni Kathleen Forbes