Muling siniguro ni Commission on Elections (COMELEC) Chair George Garcia na handa ang poll body na magdaos ng plebisito para sa panukalang economic charter amendment—isabay man ito o hindi sa 2025 mid-term elections.
Ginawa ito ni Garcia sa kaniyang pagbisita sa Kamara kung saan ginaganap ang Register Anywhere Program (RAP).
Aniya, susunod lang sila sa kung ano ang magiging atas ng Kongreso at kung ano ang mapagkakasunduan ng Kamara at Senado hinggil sa pagdaraos ng plebisito.
Matatandaan na sa panayam kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sinabi niyang kailangang aralin mabuti ang mungkahi na isabay ang plebisito sa 2025 midterm polls.
Bagamat makakatipid kasi ay posibleng may usaping legal naman ito.
Kinumpirma ni Garcia, na wala nang magiging gastos kung pagsasabayin ang plebisito at halalan sa 2025 dahil pahahabain lang naman ang balota.
Sakali naman na ihiwalay ito, gagastos ang poll body ng P13 billion.
Pero tama rin aniya ang Pangulo na dapat itong aralin dahil hindi aniya ordinaryong batas lang ang isasalang sa plebisito. | ulat ni Kathleen Forbes