Mamamahagi na ang Department of Agriculture (DA) ng mga buto ng gulay sa Western Visayas at Ilocos Regions at mga planting materials naman para sa mga high value crops sa Zamboanga Peninsula.
Layon nitong matulungan ang mga magsasaka na makabangon mula sa pinsala at pagkalugi dahil sa dry spell na dulot ng El Nino.
Ayon sa DA,kanila na ring pasisimulan ang cloud-seeding operations sa Rehiyon II sa pakikipagtulungan sa DOST- PAGASA at Department of National Defense-Philippine Air Force.
Tinutulungan na rin ang mga magsasaka na makapagtanim ng mga pananim na lumalaban sa tagtuyot at ang pagkontrol ng peste sa mga lugar na may mababang antas ng pag-ulan.
Batay sa pagtaya ng pinakahuling bulletin ng El Niño, umabot na sa ₱357.4 milyon ang pinsala at pagkalugi sa mga sakahan sa Ilocos Region, MIMAROPA, Western Visayas at Zamboanga Peninsula. Nasa 7,668 namang magsasaka ang apektado.
Tinatayang umabot na sa 11,480 metric tons ng palay, 2,897 MT para sa mais, at 225 MT para sa high value crops ang nalugi sa produksyon mula sa 6,523 ektarya na apektado ng dry spell
Gumagamit na rin ang DA ng alternatibong wet-and-drying method na nagpababa ng pagkonsumo ng tubig sa mga palayan.
Isinasaalang-alang din ng ahensya ang paggamit ng solar-powered irrigation system upang madagdagan ang supply ng tubig sa mga lugar na madaling maapektuhan ng tagtuyot.
Para naman sa mga rainfed areas, sinusuri din ng DA ang paggamit ng mga shallow tube wells. | ulat ni Rey Ferrer