Magbibigay ang Department of Agriculture (DA) ng mga buto ng gulay sa mga magsasaka na apektado ng El Niño sa Western Visayas at mga kagamitan sa pagtatanim para sa mga high value crop sa Zamboanga Peninsula.
Ito ay bahagi ng hakbang ng ahensya para matulungan ang libu-libong mga magsasaka na nasira ang mga pananim at nalugi dahil sa epekto ng El Niño.
Ayon sa DA, ang naturang inisyatibo ay nagkakahalaga ng P1 milyon, bukod pa ito sa cloud seeding operations, pest control management, at pagsusulong ng drought-resistance crop varieties para matulungan ang mga rehiyon na nakararanas ng kakulangan sa suplay ng tubig.
Batay sa pinakahuling El Niño bulletin ng DA, pumalo na sa P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa mga palayan sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula na dulot ng El Niño.
Nasa 3,923 na mga magsasaka ang apektado at tinatayang 6,618 metric tons ang production loss sa palay at mais.
Plano naman ng ahensya na i-endorso ang mga apektadong magsasaka sa Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment para sa ibang pang ayuda at tulong pinansyal. | ulat ni Diane Lear