Bahagi ng water management response na ipinapatupad ng Department of Agriculture bilang tugon sa epekto ng El Niño ang cloud seeding.
Ayon kay Dir. Lorna Belinda Calda ng DA, agad umaaksyon ang DA Bureau of Soils and Water Management katuwang ang DOST-PAGASA at Philippine Air Force para magsagawa ng cloud seeding operations kapag makatanggap ng request mula sa DA-Regional Field Offices.
Sa ngayon aniya, matagumpay ang isinagawang CSO noong Pebrero 24 sa Southern Cagayan at Northern Isabela na nagresulta na ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan.
Nagsagawa na rin anya ng assessment sa Region 3 para sa posibleng CSO bilang paghahanda Wet Cropping Season at madagdagan ang suplay ng tubig sa Pantabangan Dam.
Magsasagawa naman aniya ng assessment sa March 4 hanggang 8 para sa Negros Occidental dahil sa pagkasira ng mga pananim.
Ayon sa datos ng PAGASA, hanggang nitong February 25 nasa 24 na probinsya ang nakakaranas ng drought, 17 ang nasa dry-spell at 10 ang dry condition.
Sabi ni Climate Monitoring and Prediction Section Chief Ana Liza Solis na magpapatuloy pa ang epekto ng El Niño hanggang Mayo.
Bagamat inaasahan din aniya nila na magsisimula ang pagpasok ng La Niña sa Hulyo ay maaaring mababa pa rin ang maranasang mga pag-ulan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes