Aabot sa higit ₱900-milyong halaga ng agri-fishery interventions ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka at mangingisda ng Western Visayas.
Pinangunahan ito mismo ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang programang ginanap sa Iloilo Convention Center.
Kabilang sa ipinagkaloob ng DA ang Rice Farmers Financial Assistance, Fuel Subsidy, Kadiwa Financial Grant Program, mga makinarya, at mga kagamitan sa pangingisda.
Namahagi rin ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization ng mga makinaryang pansaka habang ang Philippine Rural Development Project ay nagbigay na ng go signal para mapasimulan na ang mga big ticket projects kabilang na ang farm to market road, slaughterhouse at feeder port.
Ininspeksyon din ng kalihim ang Jalaur River Multi-Purpose Project (JRMP) II ng National Irrigation Administration na inaasahan nitong makatutulong sa pagpapataas ng ani ng palay sa Probinsya ng Iloilo.
“This is the first large-scale water reservoir to be constructed in Visayas and Mindanao. At ito po ang kailangan natin para ma maximize ang potential ng Western Visayas in rice production. Hindi ko po isinantabi ang potential nitong rehiyon to contribute more for rice sufficiency of our country. At talagang tututukan po namin kasama kayong mga magsasaka,” dagdag pa ni Secretary Laurel. | ulat ni Merry Ann Bastasa