Ikinatuwa ng Department of Social Welfare and Development ang inilaang budget na P106.3 bilyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, malaking tulong umano ito upang matugunan ang mahigit sa 4.4 milyon na eligible poor households sa bansa.
Ang budget allocation para sa 4Ps ay nakapaloob sa 2024 national budget na mas mataas kumpara sa P102.6 bilyon na budget noong nakaraang taon.
Sinabi pa ni Asec. Lopez, ang dagdag budget para sa 4Ps ngayong taon ay isang pagpapahiwatig ng sinseridad ng gobyerno na suportahan ang mahihirap na pamilya na isa sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ‘Bagong Pilipinas’.
Aniya, sa 3.57% increase sa funding ng 4Ps, makakaasa ang mga benepisyaryo nito na makakatanggap ng tulong pinansyal para sa suportahan ang pag-aaral, nutrisyon at kalusugan ng kanilang mga anak.
Batay sa programa, ang 4Ps household-grantees ay makatatanggap ng P750 monthly grant para sa kalusugan, P600 para sa bigas at educational subsidies naman mula P300-700 kada buwan. | ulat ni Rey Ferrer