Siniguro ng pamahalaan na hindi lamang basta sa long term solution nakatutok ang mga pagtugon ng gobyerno sa nararanasang El Niño phenomenon sa bansa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Task Force El Niño Spokesperson Joey Villarama, na kabilang sa mga tinututukan ng pamahalaan ay ang pagpapaabot ng pang araw-araw na pangangailangan ng mga magsasaka, na karaniwang nakaasa sa kanilang ani.
Ayon sa opisyal, hindi lamang ang patubig, irigasyon, at pagbibigay ng binhi at iba pang farm inputs ang ipinagkakaloob ng National Government sa mga apektadong magsasaka.
Kapag umaabot aniya sa calamity situation ang isang lugar, maging pagkain ay ipinamamahagi na rin ng pamahalaan.
Bukod pa aniya ito sa alternative means of livelihood na inaalok sa mga magsasaka sa ilalim ng DOLE at DSWD.
“Kapag umabot na tayo sa calamity situation eh doon po papasok iyong mga tulong. So, i-treat natin ang sitwasyon – kunwari po nagdeklara na ang LGU ng state of calamity ay diyan po papasok iyong tulong in terms of kind, in terms of pagkain. At iyong medyo long-term solutions nga po eh paano po ang alternative means of livelihood noong mga naapektuhang magsasaka kung hindi po sila makakapagtanim.” -Asec Villarama. | ulat ni Racquel Bayan