Pinasalamatan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang iba’t ibang sektor na kanilang nakatuwang upang ganap na maisakatuparan ang mga nilalayon ng MATATAG Agenda.
Ito’y sa isinagawang Partners’ Appreciation and Recognition sa GSIS Financial Center, Pasay City kahapon na dinaluhan ng may 173 tinawag nilang DepEd Partners.
Binubuo ito ng mga embahada ng iba’t ibang bansa gayundin ng mga research organization, non-government organization, local government units, at pribadong sektor.
Kasunod nito, hinikayat ng Pangalawang Pangulo ang kanilang mga partner na ipagpatuloy ang suporta nito upang mahubog ang mga mag-aaral at maihanda sila sa pagiging bahagi ng work force.
Sa ganitong paraan aniya, makalilikha ang Pilipinas ng mga responsableng mamamayan na siyang makapag-aambag para sa ganap na kaunlaran ng bansa. | ulat ni Jaymark Dagala