Nagpaabot ng taos-pusong pagpapasalamat ang Department of Education National Employees Union (DepEd NEU) sa walang patid na pagtitiwala at suporta ng mamamayang Pilipino.
Pahayag ito ng DepEd NEU sa inilabas na resulta ng performance ratings ng ahensya sa Tugon ng Masa nationwide survey para sa 4th Quarter ng 2023.
Bilang isang organisasyong kumakatawan sa mga interes ng mga empleyado ng DepEd sa buong bansa,
kinikilala ng DepEd NEU ang maayos na synergy sa pagitan ng management at ng dedicated teaching at non-teaching workforce bilang isang puwersang nagtutulak sa patuloy na pagtitiwala ng mamamayang Pilipino.
Anila, ang pagkilalang ito ay magsisilbing inspirasyon sa organisasyon habang nangangako sila na manatiling matatag sa kanilang dedikasyon sa pagtataguyod para sa kapakanan at karapatan ng lahat ng manggagawa sa edukasyon at mga stakeholder.
Ang DepEd NEU ay magpapatuloy din sa aktibong pakikilahok at pakikipagtulungan sa Kagawaran sa mga programa at proyekto na naglalayong tugunan ang mga hamon sa edukasyon.
Magiging pare-pareho at may isang tinig ang mga tagapagturo at manggagawa na nagtataguyod ng pagpapabuti ng landscape ng batayang edukasyon.
Sa suporta ng mga miyembro, katuwang, at mamamayang Pilipino, ang unyon ay tiwala sa kakayahan nitong mag-ambag sa patuloy na tagumpay at pagsulong ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas. | ulat ni Rey Ferrer