Welcome sa Teachers Dignity Coalition (TDC) ang inilabas na amendment ng Department of Education (DepEd) sa school calendar for School Year 2023-2024 kung saan magtatapos na sa May 31 ang kasalukuyang school year.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, isang magandang hakbang ito sa kanilang inaasam na pagbabalik ng old school calendar o yaong magsisimula sa Hunyo at magtatapos ng Marso.
Nagpasalamat din ito sa DepEd sa pagtugon sa hinaing ng mga bata, magulang, at guro sa mga nagdaang konsultasyon.
Gayunman, umaasa ang TDC na mabigyang linaw ng DepEd ang ilang concern nito kabilang ang isang buwan lang na school break o mula July 1-July 28.
Ayon sa TDC, dapat walang anumang trabahong mandatory o voluntary man ang ipagawa sa mga guro sa period na ito.
Umaasa rin ang grupo na magiging malinaw ang ilan pang mga usapin gaya ng date sa pag-accomplish ng IPCRF, pagrebisa o tuluyan nang pagtanggal sa Catch-up Fridays, pagsasaayos ng implementasyon ng NLC, pagbibigay ng mga karagdagang service credits, at ang paborableng pagbubukas ng SY 2025-2026. | ulat ni Merry Ann Bastasa