Muling binigyang diin ng Department of Justice na hindi magbabago ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa nais ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang anti-drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Sabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mananatili ang polisiya ng pamahalaan na walang karapatan ang ICC na manghimasok sa internal affairs ng Pilipinas.
Ito aniya ay sa kabila ng mga pag-atake ng dating Pangulo, iginiit ni Remulla na mananatili ang posisyon ng gobyerno na hindi makikipagtulungan sa ICC dahil hindi na miyembro ang bansa sa naturang international court.
Kasabay naman nito ay mistulang pinabulaanan ni Remulla ang pahayag ng dating senador Antonio Trillanes IV na tinapos na lamang ng ICC ang imbestigasyon nito laban sa dating pangulo at sa iba pang inaakusahan na sangkot sa crimes against humanity.
Paliwanag ni Remulla walang kinatawan mula sa ICC ang nakipag-ugnayan sa kanila at wala rin aniyang record ang Bureau of Immigration na may mga dumating sa bansa na tauhan ng ICC. | ulat ni Lorenz Tanjoco