Nangako si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na paiigtingin pa ang crackdown laban sa mga grupo o indibdiwal na nasa likod ng extortion o pangingikil sa ilang truckers at delivery drivers sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos ang pulong nito sa Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) na inireklamo ang patuloy na pangongotong sa kanila sa kabila ng pag-iral ng Executive Order No. 41 na layong alisin ang pagpapataw ng “pass through fees” sa mga trucks at iba pang sasakyang may mga bitbit na produkto.
“It has been a fruitful meeting, at ang gusto ng lahat ay ([matupad] ang bilin ng ating Pangulo, ang ease of doing business, para dire-diretso ang delivery ng ating mga trucks dito para wala nang problema,” ani Abalos.
Ayon sa kalihim, aatasan nito ang PNP na magkasa ng mas malawakang operasyon upang agad na matunton at mapanagot ang nasa likod ng pangongotong.
“Maganda na ang EO 41, lahat sumunod na, pero dahil sa mga iilang tao na ito ay nagkakaroon ng problema. Hindi naman tama iyon,” dagdag pa ni Abalos.
Kaugnay nito, isa pa sa tinalakay ng kalihim ang nationwide truck routes na ikokonsulta sa iba pang ahensya ng pamahalaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa