Ikinabahala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr., ang naging pahayag ng ilang lokal na opisyal sa ginanap na Hakbang ng Maisug Prayer Rally sa Cebu City nitong linggo.
Sa isang pahayag, sinabi ng kalihim na ‘disturbing’ at hindi angkop ang ilan sa mga binitawang pahayag ng local officials na nakibahagi sa naturang prayer rally.
Giit nito, dapat na nagsisilbing halimbawa ang mga opisyal sa kanilang constituents lalo’t nagsisilbi silang kinatawan ng kanilang komunidad at kabataan.
“As public officers, we should always make sure that we conduct ourselves in accordance with the dignity of our office,” saad sa statememt ni Abalos.
Dapat aniyang iniiwasan ng mga opisyal ang paggamit ng mga bastos na pananalita, laging isaisip ang Code of Ethics at bitbitin ang sarili ng may integridad, professionalism, at paggalang sa lahat ng mamamayan.
“In sum, let’s promote professionalism, good conduct and respect to the institutions that embody the aspirations and values of the Filipino People,” ani Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa