Nais ng ilang mambabatas na marinig mula kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nais nitong mangyari sa tinatalakay na economic change.
Tugon ito ng mga mambabatas sa pahayag ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na nagkausap aniya sila ng Pangulong Marcos Jr. at sinabi nito na pabor siyang isabay sa 2025 mid-term elections ang plebesito para sa charter change.
Ayon kay 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, kung totoo man ang sinabi ng Senate President ay welcome development ito dahil ibig sabihin ay may nakatakdang timeline para tapusin ang economic charter change.
Pero nilinaw ni Gutierrez, dahil sa ang pahayag ni Zubiri ay batay sa pag-uusap nilang dalawa ni Pangulong Marcos Jr. mas mabuting marinig niya mismo mula sa Punong Ehekutibo ang kaniyang direktiba patungkol sa sa economic chacha.
Naniniwala rin si PBA Party-list Rep. Migs Nograles, na tanging ang Pangulong Marcos Jr. lang ang makakapagsabi kung ano talaga ang gusto niya para sa economic charter amendment.
Hirit pa nito, na ang mga pinag-uusapan na ginawa “closed doors” ay dapat na irespeto at hindi dapat inihahayag dahil sa usapin ng “confidentiality.” | ulat ni Kathleen Forbes