Patuloy na pinaiigting ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pakikipagtulungan sa publiko at pribadong sektor para mapabuti ang mga serbisyo sa mga overseas Filipino worker.
Nilagdaan nina DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac at PLDT Global Inc. President at CEO Albert Villareal ang Memorandum of Agreement kahapon sa Lungsod ng Makati kasama ang ibang opisyal ng ahensya.
Layon ng kasunduan na suportahan ang mga OFW na umuwi na sa bansa at ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga skills development program gaya ng training courses sa information technology, modern farming, at iba pang tulong pangkabuhayan para sila ay makapagsimula ng maliit na negosyo.
Nagpasalamat naman ang DMW sa suporta ng nasabing kumpanya para maiangat ang kakayahan ng mga OFW.
Sa panig ng PLDT, sinabi nitong bahagi ng kanilang layunin na tulungan ang mga OFW na maging digitally-skilled at mabigyang ng oportunidad na makapagtrabaho muli sa bansa.| ulat ni Diane Lear