Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na panibagong batch ng mga Overseas Filipino worker (OFW) claimant sa Saudi ang nakatakdang makatanggap ng kanilang hindi nabayarang sahod at benepisyo sa mga susunod na linggo.
Ito ay mula sa construction companies na kanilang pinapasukan na nabangkarote noong 2015 hanggang 2016.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, nasa 300 na mga tseke mula sa unang batch ng mga naipamahaging tseke ang inaasahang mapo-proseso ng Landbank of the Philippines at Overseas Filipino Bank sa susunod na mga linggo.
Bukod pa rito, panibagong batch ng nasa 400 na mga tseke ang ipamamahagi sa mga OFW claimant sa susunod na buwan.
Sa kabuaang, aabot na sa 1,500 na mga OFW claimant ang nabigyan ng tseke para sa payout at encashment ng kanilang hindi nabayarang sahod at benepisyo.
Matatandaang noong ikatlong quarter ng 2023, naisumite ng DMW sa gobyerno ng Saudi ang listahan ng nasa 10,000 OFW claimant. | ulat ni Diane Lear