Binuweltahan ng Department of National Defense (DND) ang China matapos balaan ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin ang mga opisyal ng Pilipinas na mag-ingat at huwag maglaro ng apoy pagdating sa isyu ng Taiwan.
Sa isang kalatas na inilabas ni DND Spokesperson Director Arsenio Andolong nitong Sabado, sinabi ng opisyal na dapat tigilan ng China ang kanilang pagbabanta at mapanghamong aktibidad kung nais nilang makamit ang pagtitiwala at respeto.
Ang babala ng China ay kasunod ng direktiba ni DND Secretary Gilbert Teodoro sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na dagdagan ang presensya at istraktura sa Batanes na malapit sa Taiwan.
Binigyang-diin ni Andolong na ang Batanes ay bahagi ng Pilipinas at walang pakialam ang China kung ano man ang gawin ng Pilipinas sa loob ng teritoryo nito.
Nilinaw pa ni Andolong na ang pagpapalakas ng depensa ng bansa ay bahagi ng Comprehensive Archipelagic Defense Concept (CADC) na isinusulong ng DND alinsunod sa kanyang mandato na pangalagaan ang soberenya ng estado. | ulat ni Leo Sarne
📸: PTV