Sinegundahan ng Department of Finance (DOF) ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ikonsidera ang pag-amyenda sa economic provision ng Saligang Batas ng bansa.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments, sinabi ni finance Undersecretary Bayani Agabin na ito ay para mabuksan ang ilang pang sektor ng ekonomiya sa mga foreign investors.
Suportado rin ng DOF ang isinusulong na pag-alis ng mga restrictive provisions sa mass media, advertising at education sector.
Tiniyak rin ni Agabin na habang gumugulong pa ang usapin kung dapat bang amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon ay sisikapin nilang maipatupad ang mga economic laws na naipasa ng Kongreso – kabilang ang public services act, retail trade liberalization act at foreign investments act – para makakuha ng investments para sa bansa sa ngayon.
Sa parehong pagdinig ay tinanong ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mga resource kung sino sa kanila ang pabor sa Economic Cha-cha.
Sa mga nagtaas ng kamay na pabor sa Economic Cha-cha, karamihan sa mga ito ay mga mula sa mga ahensya ng gobyerno.| ulat ni Nimfa Asuncion