Kapwa inihayag ng Department of Health (DOH) at World Health Organization (WHO) ang paglulunsad nito ng 2024 to 2028 National Integrated Cancer Control Program (NICCP) Strategic Framework na layong mas pagbutihin ang access sa iba’t ibang serbisyo sa mga cancer patients sa bansa.
Ang nasabing paglulunsad ng NICCP ay nataon din sa paggunita sa ika-5 anibersaryo ng National Integrated Cancer Control Act na nagdulot sa pagpapabuti sa access sa mga cancer centers, pagbibigay ng pinansyal na suporta, at pagtatatag ng multi-sectoral council para sa policy making, planning, and coordination para sa cancer prevention and control at nagbunga sa pagtatatag ng Cancer Assistance Fund.
Ayon kay DOH Secretary Teddy Herbosa na sa pagpapatupad ng strategic framework kasama ang mga eksperto at partner agencies, tiwala ito na ang NICCC at mga pangunahing stakeholders ay malalagpasan ang mga hamon dala ng pagsugpo sa sakit na cancer at magdadala papalapit sa layunin ng Universal Health Care (UHC).
Hinikayat din ng kalihim ang mga Pilipino na isabuhay ang malusog na pangangatawan at magkaroon ng agarang konsultasyon upang maiwasan ang sakit tulad ng cancer.
Ngayong araw, kaugnay ng National Cancer Awareness Month ay isinagawa ng kagawaran ang Ribbon Run 2024 sa UP Diliman sa Quezon City na pinangunahan ng mga opisyal mula sa DOH dala ang mga giveaways, papremyo, at serbisyo para sa mga lumahok.
Ayon sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumapangalawa ang cancer sa pangunahing sanhi ng mortality sa mga Pilipino para sa taong 2022, kung saan kabilang ang lung, breast, at liver cancers na nasa top mortality list.| ulat ni EJ Lazaro