Aminado ang Department of Labor (DOLE) na hirap silang balansehin ang dinidinig sa Senado na ₱100-peso wage increase.
Ito ang naging tugon ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa kung ano ang nilalaman ng kanilang isinumiteng technical input sa Senado hinggil sa hearing nito sa taas-pasahod.
Paliwanag ni Laguesma na bagamat masasabi na maraming posibleng maging magandang epekto ang pinag-uusapang wage increase ay hindi naman maikakaila na meron din itong magiging negatibong epekto lalo na sa mga employers.
Giit ni Laguesma, bahagi ng kanilang constituents ay hindi lang kapakanan ng empleyado kundi maging ang mga employers.
Maliban aniya sa kadalasang problema kung saan ipapasa ng mga employers ang pagtataas ng sahod sa presyo ng serbisyo o produkto na ginagawa nito ay meron ding epekto ang pagtaas ng minimum wage sa morale ng mga empleyado, partikular yung mga hindi minimum wage earner na posibleng maungusan ng mga minimum wagers kapag tumaas ang sahod nito.
Kaya naman giit ni Laguesma kailangan ang masusing pag-aaral sa nasabing wage increase subalit kung ito aniya ay magiging batas ay kailangan itong ipatupad ng DOLE. | ulat ni Lorenz Tanjoco