Kumpiyansa ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Finance (DOF) na patuloy na mapopondohan ang Metro Manila Subway Project.
Ang naturang proyekto ang kauna-unahang underground railway system sa bansa na kasalukuyang pinopondohan sa ilalim ng dalawang loan agreements.
Inaasahang muling papasok sa ikatlong tranche ng loan ang Metro Manila Subway Project sa March 2024 na nagkakahalaga ng Japan ¥150 billion o katumbas ng P55 billion.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, sinusuri na ng DOF ang mga dokumento kaugnay sa loan deal sa pagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) at gobyerno ng Japan.
Sa tulong aniya ng suporta ng JICA, makukumpleto ang proyekto sa itinakdang petsa sa 2029.
Personal na ininspeksyon nina Secretary Bautista at Finance Secretary Ralph Recto ang subway tunnel sa Valenzuela Depot kahapon.
Nangako naman si Secretary Recto na tutulungan ng DOF ang DOTr na matapos ang proyekto sa itinakdang petsa.
Ang Metro Manila Subway Project ay may 17 istasyon, at kapag ito ay natapos mapapabilis ang biyahe ng 35 minuto mula Valenzuela City hanggang NAIA sa Pasay City. | ulat ni Diane Lear