Kumpiyansa ang Department of Transportation (DOTr) na matatapos kaagad ang mga malalaking proyekto sa railway sector ng Pilipinas gaya ng Metro Manila Subway Project at North-South Commuter Railway System.
Ito ay sa patuloy na pakikipagtulungan ng DOTr sa gobyerno ng Japan partikular na ang Japan International Cooperation Agency (JICA).
Sa ginanap na bilateral meeting sa pagitan ng DOTr, JICA, at Japanese Ministry of Land Infrastructure Transport and Tourism, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na dapat maisakatuparan ang mga konsepto at ideya na napag-usapan sa pulong.
Binigyang diin din ng kalihim na dapat maging batayan ang 30-year railway master plan ng bansa tungo sa sustainable na operasyon ng Metro Manila Subway, NSCR, MRT-3, at iba pang gagawing railway systems.
Sa tulong aniya ng mga teknolohiya ng gobyerno ng Japan at pakikipagtulungan sa pribadong sektor, muling sisigla ang railway sector ng Pilipinas at magiging moderno gaya sa ibang mga bansa.| ulat ni Diane Lear