Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na walang mawawalan ng trabaho para sa mga tauhan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng pagkapanalo ng San Miguel Corporation para sa operasyon at maintenance ng nasabing paliparan sa ilalim ng public-private partnership project.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ang mga tauhan na operation ang trabaho ay ia-absorb o kukunin ng San Miguel habang mananatili naman ang mga tauhan ng regulatory units ng pamahalaan.
Samantala, wala namang inaasahang taas-singil o passenger fee sa mga sumasakay sa NAIA.
Pero ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Eric Ines, posibleng tumaas ang charges sa mga rumerenta dito maging mga airline company dahil 24-na taon o noong taong 2000 pa hindi nagbago ang rate o singil sa paliparan. | ulat ni AJ Ignacio