Nilinaw ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co, pangulo ng party-list coalition sa kamara at chair ng Appropriations Committee kung bakit masigasig sila sa pagsusulong ng charter change.
Ayon kay Co, tulad ng Konstitusyon, halos apat na dekada na rin ipinapanukala ng House of Representatives ang pag-amyenda sa Saligang Batas ngunit laging namamatay pagdating sa Senado.
“Forty years na hong dini-discuss to and lagi hong dead on arrival ito sa Senado, and palagi ho ang dating dun dead on arrival and sasabihin nila it’s not yet time. Kailan ho ang time para matulungan ang ating mga kababayan na magkaron ng tamang trabaho, mahal na sweldo, murang bilihin, murang kuryente,” sabi ni Co.
Punto ng mambabatas, nasa double digit sana ang paglago ng ekonomiya ng bansa kung naamyendahan lang ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon.
Sabi pa nito na taumbayan ang naghihirap sa mataas na presyo ng bilihin at serbisyo dahil sa kawalan ng kompetisyon.
Katunayan ang kuryente aniya sa Pilipinas ay overprized ng ₱3 dahil dito.
“Dapat double digit growth ho tayo pero dahil ho sa 1987 Constitution na masyadong…restrictive…we are the most restrictive in the world na country in terms of economcic provision…up to the point na wala hong investor na pumapasok kaya ho kulang ang trabaho and kaya ho maraming OFW na lumalabas sa ating bansa…sana wala (na) hong mga pamilyang nagkahiwalay at malungkot at broken families dahil sa selfishness ng slower House of the Philippines,” paliwanag ng PCFI president.
Muli rin nitong siniguro sa Senado na walang intensyon ang Kamara na buwagin o lusawin ang Senado.
Ang tanging nais lang nila ay maisakatuparan ang pag-asenso ng ating bansa, makapagtala ng double digits growth at magkaroom ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.
“Huwag isipin na sila’y mawawala at wala hong intensyon ang Kongreso na sila’y alisin sa pwesto. Ang gusto lang ho ng aming liderato ng mga congressman is para maisakatuparan ang pag-asenso ng ating bansa… kung papapasukin natin ang mga foreign investments ay malaki po ang mabibigay na trabaho,” giit ni Co. | ulat ni Kathleen Jean Forbes