Nahuli ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang drug personality na nauugnay sa Fajardo Robbery Group sa Batangas.
Ayon kay QCPD Director PBGen Redrico Maranan, naaresto si Zoren Almazan at kasamahan niyang si Herbert Gagalang sa isinagawang anti-illegal drug at anti-crime operations sa IBP Road, Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Nabawi sa kanila ang illegal drugs na nagkakahalaga ng P68,000.00, isang cal. 9mm beretta na may mga bala, isang cellular phone at iba pang kagamitan.
Si Almazan ang nagsisilbing driver-bodyguard ng isang Paul Fajardo, isa sa mga lider ng Fajardo Robbery Group mula pa noong 2013.
Isinasangkot umano ang mga suspect sa carnapping incidents noong 2016 at nahuli na noong 2020 sa kasong illegal drug trade.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang dalawa dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug activities at illegal possession of firearms. | ulat ni Rey Ferrer