Nag-bayanihan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol, National Irrigation Administration (NIA) Bicol at Department of Agriculture (DA) Bicol sa pagtulong sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng El Niño at may mataas na kaso ng malnutrisyon sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur.
Pinangunahan ng DSWD Bicol ang seremonya sa paglulunsad ng kabuhayang itikan at manukan o native duck egg production sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) para sa dalawang asosasyon mula sa Brgy. Pinit at Brgy. Gatbo ng nasabing bayan.
Pinondohan ng DSWD Bicol ang nasabing kabuhayan ng aabot sa P135,000 para sa siyam na miyembro ng Samahan ng mga Magsasaka SLP Association sa Brgy. Gatbo at P180,000 naman para sa mga miyembro ng Dakilang Kumikitang Kabuhayan SLP Association sa Brgy. Pinit.
Ayon sa DSWD Bicol, ang nasabing pangkabuhayan ay paraan upang labanan ang mataas na kaso ng malnutrisyon na naitala sa bayan ng Ocampo, Camarines Sur.
Samantala, tiniyak naman ng NIA Bicol ang maayos na supply ng tubig sa nasabing kabuhayan. Ayon sa NIA Bicol, nakakaranas aniya ng matinding tagtuyot at kawalan ng supply ng tubig ang nasabing bayan tuwing sasapit ang El Niño.
Gayundin, tinutukan ng DA Bicol ang pagsasanay sa mga magsasaka para sa pag-aalaga at maayos na pagpapalaki ng mga itik.
Ang nasabing bayanihan ay bahagi ng Zero Hunger Program na isinusulong ng pamahalaan. Layunin nitong malabanan ang gutom at malnutrisyon sa pamamagitan ng pagtiyak sa seguridad ng pagkain at nutrisyon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay
📷 DSWD Bicol