Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na madadagdagan ng mga bagong benepisyaryo ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa darating na Setyembre.
Ito ay dahil na rin sa may 200,000 pamilyang benepisyaryo ang nakatakdang mag-exit o grumaduate sa nasabing programa.
Ayon kay 4Ps National Program Management Office Director Gemma Gabuya, ang nakatakdang pag-exit ng 200,000 na pamilyang benepisyaryo ay alinsunod sa Republic Act No. 11310 o 4Ps Law.
Dito nakasaad, na ang mga kwalipikadong pamilyang benepisyaro ay maiaalis na sa programa kapag umabot na sa 19 taong gulang ang huling anak sa pamilya.
Sinabi pa ni Gabuya, ang pag-graduate ng mga nasabing benepisyaryo sa Setyembre ay kasabay ng pagtatapos ng school year. Ito ay upang matiyak na ang mga sinasabing monitored children ay makakatapos ng pag-aaral.
Dagdag pa ng opisyal, ang bagong program beneficiaries ay kukunin naman sa kasalukuyang listahan na nailagay sa waiting list.
Ang 4Ps ay isang national poverty reduction strategy na programa ng gobyerno na nagbibigay ng conditional cash transfer sa mga mahihirap. | ulat ni Diane Lear