Muling nanindigan ang Department of Social Welfare and Development na walang kinalaman ang mga programa nito gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS sa People’s Initiative.
Sa DSWD Media Forum, nilinaw ni DSWD Spox Asec. Romel Lopez na walang pondong inilabas ang ahensya na may kaugnayan sa naturang signature campaign.
Imposible kase aniya na maging kapalit ng pirma ang ayudang ipinamamahagi ng ahensya.
Dagdag pa nito, walang kakayahan ang mga politiko na mangialam sa mga benepisyaryo ng DSWD dahil dumadaan ito sa mahigpit at masusing proseso ng validation.
Giit ni Lopez, ‘unfair’ sa kanila na laging nagagamit ang pangalan at mga programa ng ahensya para sa mga pansariling interes ng ilan.
Panawagan nito sa publiko, maging mapanuri at huwag basta bastang maniniwala sa mga pangako sa kanila na may kaugnayan sa programa ng DSWD.
Sa ngayon, pinaplano naman na aniya ng DSWD na palakasin ang information dissemination nito para hindi mabiktima ang mga ordinaryong Pilipino sa mga pangakong walang patutunguhan. | ulat ni Merry Ann Bastasa