Nag-deploy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng disaster team sa Glan, Sarangani para suriin ang lagay ng mga residenteng naapektuhan ng 6.8 magnitude na lindol sa lalawigan noong Nobyembre ng 2023.
Pinangunahan ni DSWD Assistant Bureau Director Rey Martija ng Central Office’s Disaster Response Management Bureau (DRMB) kasama ang mga tauhan ng Field Office-12 (SOCCSKSARGEN) ang house-to-house visit sa mga nabiktima ng lindol bilang bahagi ng impact assessment.
Kasama rin sa inalam kung sapat ang naipaabot na Emergency Cash Transfer (ECT) sa mga apektadong residente.
“The feedback we received was overwhelmingly positive, as beneficiaries expressed gratitude for the assistance provided by the DSWD,” pahayag ni DRMB Asst. Dir. Martija.
Ayon kay Martija, nasa higit 300 benepisyaryo na pawang nawalan ng tahanan ang na-interbyu na at natukoy kung paano nakatulong sa kanila ang naibigay na cash aid ng ahensya.
Dagdag pa ng opisyal, ilan sa mga pamilyang nabigyan ng tulong pinansyal ay ginamit ito upang gawing kapital sa maliit na negosyo.
“The cash transfers were used by the beneficiaries to rebuild their damaged houses and to purchase essential needs, including medicines, school supplies, and groceries,” aniya.
As of January 31, aabot na sa ₱76.80-million ang pondong nailaan ng DSWD Field Office para sa emergency cash transfer na naipamahagi sa 5,211 apektadong pamilya. | ulat ni Merry Ann Bastasa