Patuloy na nakatutok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa reintegration program nito na hinggil sa pagbabagong buhay ng mga dating rebelde.
Kamakailan lang, nagkaroon ng dayalogo ang ilang opisyal ng DSWD sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo na Abu Sayyaf upang pag-usapan kung paano mapagaganda ang case management guide ng ahensya para sa peace and development program.
Kabilang sa kinatawan ng DSWD ay sina Undersecretary for Inclusive-Sustainable Peace and Special Concerns Alan Tanjusay at Assistant Secretary Arnel Garcia.
“Following the instruction of Secretary Rex Gatchalian, we conducted the dialogue that centered on understanding the unique challenges faced by the community and identifying collaborative strategies to address them, anchored on the experiences of the former ASG members and the community leaders,” sabi ni Usec. Tanjusay.
Ayon kay Usec. Tanjusay, magsisilbing input ito para mapaunlad ang kasalukuyang Case Management Guide for Peace and Development Programs ng DSWD.
“The guide would aid the formulation and implementation of more defined and focused programs and activities for former members of non-state armed groups, aiding their transition back to becoming productive citizens of our country,”sabi pa ni Usec. Tanjusay.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga miyembro ng komunidad na sumama sa dayalogo ay kabilang sa mga nawalan ng tahanan dulot ng armed conflict na ngayon ay nagsibalik na sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng “Balik Barangay Program” ng Sulu provincial government, Patikul municipal government, United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR ) Philippines at iba pang partner agencies. | ulat ni Merry Ann Bastasa