Makikipagtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa national government agencies at private institutions para palakasin ang Project LAWA at BINHI, sa pamamagitan ng cash-for-training at cash-for-work.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang Projects LAWA at BINHI ay sisimulan sa ilalim ng DSWD’s Risk Resiliency Program ng cash-for-training and work (RRP-CFTW).
Kasabay nito lalagda sa isang Memorandum of Understanding ang Department of the Interior and Local Government, Department of Agriculture, UP Los Baños, at UN World Food Programme, na magdi-determina ng mga intervention na gagawin upang mabawasan ang economic vulnerability ng mga komunidad sa epekto ng El Niño phenomenon.
Ang MOU ay gaganapin sa Huwebes sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan province.
Ang proyekto ay magbibigay ng Learning and Development Sessions na may kinalaman sa Climate Change Adaptation and Mitigation at Disaster Risk Reduction at cash-for-work at cash-for-training sa beneficiaries na maapektuhan ng El Niño, base na rin sa Climate Outlook ng DOST-PAGASA.
Kabilang sa target beneficiaries ay mga magsasaka, mangingisda, mga katutubo at iba pang climate and disaster-vulnerable families na nabibilang naman sa mga mahihirap, at nakatala sa Listahanan 3.
Ito ay ibabase sa assessment at validation ng Local Social Welfare and Development Office.
Bawat beneficiary ay bibigyan ng pagkakataon na makilahok sa CFTW activities para sa 10 hanggang 25 araw na may kaukulang sweldo, base na rin sa prevailing Regional Daily Minimum Wage Rate range sa lugar.
Kabilang sa mga proyekto na maaaring lumahok ang beneficiaries, ay may kinalaman sa water efficiency tulad ng konstruksyon ng small farm reservoir (SFRs); repair at rehabilitation ng water harvesting facilities; repairs ng multipurpose water infrastructures; diversification ng water supplies; aqua or hydroponics; at aquaculture.
Sa food security, naman ang beneficiaries ay maaaring sumali sa communal vegetable gardening; urban gardening; school-based at community-based vegetable gardening; community-based diversified integrated farming; pagtatanim ng disaster resilient crops, fruit-bearing trees, at mangroves; at vermicomposting. | ulat ni Rey Ferrer