Pinaiigting pa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga hakbangin nito pangontra sa epekto ng El Niño.
Kabilang rito ang Project LAWA o Local Adaptation to Water Access at BINHI o Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished.
Sisimulan ang mga naturang programa sa ilalim ng Risk Resiliency Program ng cash-for-training and work (RRP-CFTW).
Kaugnay nito, nakatakdang lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang DSWD sa pagitan ng Department of Interior And Local Government (DILG) Department of Agriculture (DA) University of the Philippines – Los Baños (UPLB), at United Nations World Food Programme (UN-WFP na siyang magde-determina ng mga interventions na gagawin upang mabasawan ang economic vulnerability ng mga komunidad sa epekto ng El Niño phenomenon.
Gaganapin ito sa Huwebes, February 22 sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan Province.
Layon nitong magbigay ng Learning and Development Sessions (LDS) na may kinalaman sa Climate Change Adaptation and Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR), at cash-for-work (CFW) at cash-for-training (CFT) sa mga benepisyaryo na inaasahang maapektuhan ng El Niño kabilang ang mga magsasaka, mangingisda, indigenous peoples (IPs), at iba pang climate and disaster-vulnerable families na nabibilang naman sa mga mahihirap at nakatala sa Listahanan 3.
Bawat benepisyaryo ay maaaring lumahok sa mga aktibidad na may kinalaman sa water efficiency at food security tulad ng pagtatayo ng small farm reservoir (SFRs); repair at rehabilitasyon ng water harvesting facilities; communal vegetable gardening; urban gardening; school-based at community-based vegetable gardening.
Kapalit nito ay may kaukulang sweldo silang matatanggap base na rin sa prevailing Regional Daily Minimum Wage Rate (RDMWR) range sa lugar.
Una nang pinakilos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang sa ikalawang quarter ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa