Siniguro ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na aayudahan nito ang mga magsasaka na apektado ng El Niño.
Kasunod ito ng ulat ng DA na may higit 2,000 magsasaka na sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula ang nasiraan ng pananim dahil sa tagtuyot.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Romel Lopez, prayoridad ng ahensya na maabutan ng tulong ang mga nasa vulnerable sector na maaapektuhan ng anumang krisis kabilang na rito ang El Niño.
Aniya, maaaring makwalipika ang mga magsasaka sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS.
Una nang sinabi ng PAGASA na posibleng lumala pa ang epekto ng El Niño sa bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa