Binigyang diin ni Department of Trade and Industry Secretary Alfredo Pascual ang mga ginagawang hakbang ng Pilipinas sa pagkakaroon ng isang transparent at sustainable na trade environment na bansa.
Ito ang kanyang naging talumpati sa 13th World Trade Organization Ministerial Conference meeting na ginanap ngayong araw, Pebrero 26.
Aniya, nakahanda ang Pilipinas na tumugon sa mga hamon tulad ng sistematikong pagproseso ng pamumuhunan na may kaakibat na mabilis na aksyon upang agarang makapag-umpisa ang mga nais mamuhunan sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Pascual na nakahanda rin ang Pilipinas na maging transparent sa sustainable trade environment, bagay na isa sa mga tinitignang parameters ng foreign companies upang mamuhunan sa isang bansa.
Kaugnay nito, suportado naman ng Pilipinas ang kasalukuyang probisyon sa Coalition Framework of Voluntary Actions ng World Trade Organization para naman sa maayos na kolaborasyon ng mga bansa pagdating sa trade, climate mitigation plans, at trade policy tools sa climate change. | ulat ni AJ Ignacio