Pinaalalahanan ni Senadora Nancy Binay ang publiko na hindi ‘magic solution’ ang panukalang economic cha-cha sa mga problemang kinakaharap ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ayon kay Binay, mahalagang maintindihan ng publiko na ang pag-amyenda sa economic provision ng Saligang Batas ay hindi lang ang natatanging solusyon sa problema ng ating ekonomiya.
Ginawa ng senadora ang pahayag matapos ipunto ang resulta ng isang survey na ang numero unong concern ng mga Pilipino ay ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Pinangangambahan kasi ng mambabatas na magdudulot ng ‘false hope’ sa taumbayan ang kasalukuyang diskurso tungkol sa economic cha-cha at baka umasa ang publiko na magkakaroon ng agarang positibong pagbabago ang pagpapatupad nito.
Ipinaliwanag ni Binay na mahalagang ikonsidera rin ang iba’t ibang dahilan at komprehensibong solusyon sa pagtugon sa economic issues ng bansa.
Kaya naman, importante aniyang pakinggan ng publiko at maging ng mga mambabatas ang lahat ng perspektibo tungkol sa panukalang economic cha-cha bago gumawa ng desisyon kaugnay nito. | ulat ni Nimfa Asuncion