Nagkakaisa ang Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) at mga business group sa kanilang patuloy na pagtutol para sa pagtataas ng minimum na sahod sa pamamagitan ng isang batas at nananawagan para sa pagtaguyod pa rin ng minimum wage sa pamamagitan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Ito ang naging pahayag ng mga business group matapos maipasa sa Senado sa botong 20-0 ang panukalang increase na ₱100 sa minimum wage.
Ayon sa grupo, nakapagbigay na ang mga regional boards sa buong bansa ng panibagong round ng increase sa minimum wage para sa mga kaparehas na grupo na nais matulungan ng panukalang batas.
Dagdag pa ng grupo, represented ang regional boards mula sa gobyerno, labor, at employers para sa adjustment ng minimum wages sa pamamagitan ng mga objective parameters na sinusundan ng mga konsultasyon at public hearing.
Sinabi rin ng grupo na makakaapekto ang nasabing panukalang batas sa mga micro, small, medium enterprises (MSMEs) na magpapalala diumano sa kalagayan ng informal sector na kinabibilangan ng 47 milyong trabahador kasama ang ambag nito sa ekonomiya ng bansa.
Ipinanawagan din ng grupo sa mga policymakers ang mas komprehensibong approach sa pag-address ng econmic inequality kaysa mag-pokus lamang sa wage increase kabilang ang pagtuon ng pansin sa edukasyon, skills development, imprastraktura, kasama na ang pagtugon sa economic inequality.
Samantala, inaasahan naman na sa darating na Pebrero 28 ay matatalakay sa kamara ang bersyon nito ng taas-sahod para sa mga manggagawa. | ulat ni EJ Lazaro