Sa gitna ng kontrobersya sa glutathione intravenous (IV) drip ay kinuwestyon naman ng toxics watchdog group na EcoWaste Coalition ang patuloy na bentahan ng injectable products kahit na hindi otorisado ng Food and Drug Administration (FDA).
Batay sa monitoring ng EcoWaste, nagkalat online ang mga ‘unapproved’ injectable glutathione pati na mga glutathione capsules, pills, at gummies.
Ayon pa kay Aileen Lucero, National Coordinator ng EcoWaste Coalition, pinalalabas pa ng mga online seller na ligtas at maganda ang kalidad ng kanilang mga produkto.
“We question the unchecked sale of clearly unapproved gluta-IV drips that have flooded online shopping sites as if these products have been assessed for their quality and safety,” ani Lucero.
Tinukoy rin ng grupo ang naunang pahayag ng Department of Health (DOH) na hindi nito aprubado ang injectable glutathione o gluta-drip bilang pampaganda ng kutis habang ang FDA ay kinumpirma ring walang aprubadong injectable products para sa skin lightening.
Dahil dito, hinikayat ng grupo ang mga Pilipino na huwag nang tangkilikin ang chemical whiteners at yakapin ang tunay na kulay ng kanilang kutis.
“To cut the manufacture, importation, distribution, advertising, promotion, and sale of glutathione IV drips, mercury-added facial creams and other unauthorized skin lightening products, we appeal to all consumers to appreciate and cherish our natural skin tone and desist from altering it,” dagdag pa ni Lucero. | ulat ni Merry Ann Bastasa