Sa botong 22 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag abstain, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong magbigay proteksyon sa karapatan at tiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Sa ilalim ng Senate Bill 2505 o ang Eddie Garcia bill, igagarantiya sa mga manggagawa sa nabanggit na industriya ang oportunidad para sa magagandang trabaho, disenteng kita at proteksyon laban sa pang- aabuso, pinalawig na oras sa trabaho, harassment, mapanganib na kondisyon sa trabaho at economic exploitation.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senate Committee on Labor chairman Senador Jinggoy Estrada, oras na maisabatas ay ipapatupad nito ang mga kinakailangang reporma sa mahigit na 400 na establisyimento at makakaapekto sa libu-libong manggagawa.
Kabilang sa mga nakasaad sa panukalang ito ang pagtatakda ng normal na walong oras o hanggang 14 hours sa isang araw o kabuuang 60 hours sa isang linggo na pagtratrabaho ng mga nasa film at tv industry.
Bukod dito ay itinatakda rin ang probisyon para sa benepisyo sa kalusugan at insurance mula sa mga insidente sa trabaho o pagkamatay para masiguro ang kanilang kapakanan.
Matatandaang ang pagkamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia ang nagtulak sa pagsusulong ng panukalang batas na ito.
Si Garcia ay nasawi noong 2019 matapos ang isang aksidente sa taping ng isang TV series.
Nagtungo naman sa Senado ang ilang mga artista para magpakita mg suporta sa pagkakapasa ng panukalang ito. | ulat ni Nimfa Asuncion