Inaasahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang patuloy na pag-iral ng mature o strong El Niño sa bansa hanggang sa Marso.
Inihayag ito ni PAGASA-Climatology and Agrometeorology Division Officer-in-Charge Ana Liza Solis sa isinagawang National Forum on El Niño ng ahensya.
Paliwanag nito, naabot na ng El Niño ang “peak” o tugatog ng pag-init ng temperatura sa dagat.
Dahil dito, inaasahan ng PAGASA na magsisimula na rin itong humina.
Gayunman, hindi umano ito nangangahulugan ng paghina rin ng epekto ng tagtuyot dahil kadalasang mas nararanasan ang tindi ng impact ng El Niño kapag ito ay humihina na.
Batay sa climate outlook ng PAGASA, posibleng ‘way below normal’ pa rin ang rainfall condition na maranasan sa National Capital Region (NCR) hanggang Marso.
Ganito rin ang posibleng maranasan maging sa ilang watershed areas, kabilang ang Angat watershed. | ulat ni Merry Ann Bastasa