Ni-recall o binawi ng Senado ang enrolled bill para sa panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers.
Sa inaprubahang Senate Concurrent Resolution no. 17, epektibong binabawi ang enrolled bill para sa Senate Bill 2221 at House Bill 7325.
Ito ay matapos hindi matuloy ang pagkakapirma sa Magna Carta of Filipino Seafarers Bill bilang ganap na batas noong Lunes dahil ‘under review’ pa ito ayon sa Presidential Communications Office (PCO).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang humiling na ayusin muli ng Kongreso ang naturang panukala, partikular ang magiging papel ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nagpasalamat naman si Zubiri sa Punong Ehekutibo dahil sa halip na i-veto ang panukala ay pinaayos na lang niya ito sa mga mambabatas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion