Inaprubahan na ni Malabon Mayor Jeannie Sandoval ang Executive Order para sa pagbuo ng isang task force group na tututok sa Dampalit Mega Dike Park.
Ang Dampalit Mega Dike ay isa sa mga ipinagmamalaking nature spot sa lungsod ng Malabon na dinadayo na rin ng ibat ibang turista at siklista.
Nakasaad sa naturang EO na pamumunuan ng Office of the City Administrator ang bubuuing task force na pangunahing mangangsiwa sa day-to-day operations ng naturang mega dike park.
Kasama rin sa miyembro ng TFG ang Business Permit and Licensing Office, City Environment and Natural Resources Office, Public Safety and Traffic Management Office, City Legal Department, Mayor’s Complaint and Action Team at City Engineering Department.
Kabilang sa tungkulin ng Task Force ang pag-isyu ng policy guidelines pagdating sa operasyon ng Mega Dike Park, kabilang ang pagdetermina ng mga lugar kung saan papayagan ang economic activities, at sociocultural activities.
Kasama rin dito ang pagtitiyak sa seguridad ng Dampalit Mega Dike Park. | ulat ni Merry Ann Bastasa