Kapwa kinumpirma ng dalawang mambabatas na ekonomista ng Kamara na immediate o agad na mararamdaman ang positibong epekto ng economic charter change sakaling maaprubahan.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, agad bubuhos ang mga foreign investor na bibili ng shares.
Isa kasi aniya itong signalling sa foreign investors na bukas na ang Pilipinas.
Sa ngayon kasi maituturing na ‘patay’ ang ating stock market dahil puro mga Pilipino lang naman ang may shares dito.
Ang intermediate at ang long term na epekto naman ay mararamdaman aniya sa pagpasok na ng foreign direct investments.
Maliban naman sa stock market, mas mapapadali na rin ani House Committee on Appropriations Senior Vice-Chair Stella Quimbo ang panghihikayat ng Pilipinas sa mga mamumuhunan.
Ngayon kasi aniya, kinakailangan pang magpadala ng malaking trade mission sa kada bansa sa pangunguna mismo ng Pangulo para lamang makahikayat ng mga mamumuhunan.
Kaya aniya kung titingnan, kada bisita ng Pangulo sa ibang bansa ay nakakapag-uwi naman ito ng mga investment pledge ngunit ‘retail’ o patingi-tingi lang.
Ngunit sa pamamagitan ng economic chacha, magiging ‘wholesale’ na ang ‘pagbenta’ ng Pilipinas para makaakit ng foreign investors. | ulat ni Kathleen Forbes