May mga paghahanda ng ginagawa ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa magiging epekto ng maiinit na panahon sa loob ng mga bilanguan sa bansa.
Tugon ito ng BJMP sa babala ng PAGASA, na titindi pa ang init ng panahon sa pagitan ng Marso hanggang Mayo dulot ng El Niño Phenomenon.
Ayon kay BJMP Spokesperson Chief Inspector Jayrex Bustinera, sa unang bahagi pa lang ng taon ay naghahanda na ang BJMP sa posibleng epekto ng mainit na panahon sa mga jail facility.
Base sa karanasan, tuwing mainit ang panahon tumataas ang bilang ng mga PDL na nagkakasakit ng
hypertension, heat stroke, sakit sa balat, at kung ano-ano pa dahil sa sobrang init.
Sinabi ni Bustinera, pinaghanda na nila ang Regional Health Service Unit at Jail Infirmaries ng BJMP sa posibleng pagtaas ng bilang ng mga magkakasakit dahil sa init ng panahon.
Tuloy-tuloy din umano ang decongestion program ng BJMP sa 482 pasilidad nito; mula sa 127,000 PDLs ngayon ay bumaba na sa 117,000. Nasa 10,000 ang nabawas at inaasahang madadagdagan pa ito ngayong taon. | ulat ni Rey Ferrer