Pinasisiguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakasasabay pa sa inflation ang financial grants na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga pinakamahihirap na Pilipino.
“Isa sa inatasan niyang pag-aralan namin is panong wag mag-diminish or mabawasan yung halaga ng mga financial assistance or grant na ibinibigay natin sa ating mga kababayan.” – Secretary Gatchalian
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na kasabay ng mga ginagawang hakbang ng economic team upang mapababa ang inflation ay ang pagprotekta sa halaga ng piso, o peso value ng mga ayudang ipinagkakaloob sa ilalim ng 4Ps, at iba pang social protection programs ng pamahalaan.
“Alam naman natin na ginagawa ng economic team ang lahat para mapababa ang inflation, pero habang ginagawa iyon, kailangan kaakibat ang pagprotekta sa peso value sa mga grants na binibigay sa atin, katulad nung sa 4Ps, at sa mga iba pang programa na nakatuon sa social protection sa pinakamahirap nating kababayan.” – Secretary Gatchalian
Sa kasalukuyan aniya, ang health grant sa ilalim ng 4Ps ay nasa P700, ang education grant ay nasa P300 hanggang P700, ang rice subsidy naman ay nasa P600.
“Yan yung gist ng meeting kaninang umaga, na masigurado na naka price index, whether its cost of living or price of the essential baskets, we were tasked to work with PSA and NEDA to find the best index to use to make sure na ang tulong pinansyal, whether ang 4Ps grants, or I guess all other social protection that we do, make sure namin na hindi siya napag-iiwanan kung nagkaroon ng spikes like inflation.” -Secretary Gatchalian
Sabi ng kalihim, inatasan sila ni Pangulong Marcos na makipagtulungan sa Philippine Statistics Authority (PSA) at National Economic Development Authority (NEDA), na hanapin ang pinaka-mabisang price index upang matiyak na ang tulong pinansiyal na ipinagkakaloob ng mga programa ng pamahalaan ay hindi naiiwan dahil sa inflation.
Ipinag-utos rin ng Pangulo sa PSA at iba pang concerned government agencies, na magsagawa ng census sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) upang maging mas epektibo at responsive ang anti-poverty at social protection initiatives ng pamahalaan. | ulat ni Racquel Bayan