Binigyang diin ni Senador Sherwin Gatchalian ang pangangailagan na iangat ang financial literacy ng mga Pilipino sa gitna ng pangunguna ng financial at insurance activities sa mga nag-aambag sa ekonomiya ng bansa.
Kaya naman inihain ng Senate Committee on Basic Education Chair ang Senate Bill 479 na nagpapanukalang ituro ang Economics and Personal Finance (EPF) mula elementarya hanggang kolehiyo.
Ayon kay gatchalian, sa pamamagitan ng panukalang ito ay mapapalawak ang kaalaman ng ating mga kababayan pagdating sa usapin ng pananalapi.
Pinunto ng senador ang datos mula sa 2021 financial inclusion survey ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagsasabing 2% lang ng mga Pilipino ang nakasagot ng tama sa lahat ng anim na tanong sa financial literacy habang 68% naman ang nakasagot ng tama sa kalahati ng parehong tanong.
Sa ilalim ng panukala, ituturo ng EPF sa mga elementarya ang mga aralin tulad ng pagpapasya sa mga gastusin, pagpaplano sa personal na pinansya, pagsusuri sa mga gastusin at paghahanda ng budget, financial goal setting, at iba pa.
Sa high school, kolehiyo, at tech-voc naman, magiging saklaw ng EPF ang konsepto ng income at paghahanda ng savings plan, pag-unawa sa financial landscape, pakikilahok sa iba’t ibang savings at investment scheming, pag-invest para sa retirement, at iba pa.
Layon din ng naturang panukala ang pagkakaroon ng EPF professional development sa mga guro, at ng EPF training course sa mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor na gagabay sa mga kabataan sa mga usaping pinansyal. | ulat ni Nimfa Asuncion