Muling hinikayat ngayon ng Civil Service Commission (CSC) ang mga ahensya ng pamahalaan na i-adopt ang flexible work arrangements (FWA) sa kanilang mga tanggapan upang maibsan ang mabigat na trapikong madalas nararanasan sa Metro Manila.
Ang pahayag ay bilang suporta na rin sa inisyatibo ng Metropolitan Manila Development Authority ?MMDA) para maisaayos ang daloy ng mga sasakyan sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa CSC, binuo ang mga polisiya sa FWA para masigurong epektibo pa ring nakakapagserbisyo ang mga kawani ng gobyerno habang isinasaalang-alang rin ang proteksyon, kaligtasan, at kapakanan ng mga ito.
Pinangangalagaan din dito ang work-life balance sa lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan.
“The adoption of FWAs will also allow government agencies to manage any current or emergent disruptive situations that may affect the delivery of public services by providing adaptable and responsive work schemes, safe work spaces, and enabling support mechanisms for government officials and employees.”
Unang inilabas ng CSC ang memo sa FWA noong 2022 bilang transition sa new normal mula sa state of public health emergency.
Kabilang sa work arrangements dito ang Flexiplace kung saan maaaring mag-render ng serbisyo ang mga kawani kahit malayo sa opisina, Compressed Work Week o 40-hour work week, Skeleton Workforce, Work shifting, Flexitime, at kombinasyon ng alinman sa mga ito. | ulat ni Merry Ann Bastasa