Umiiwas ang foreign investors sa Pilipinas bunsod na rin ng napakahigpit na panuntunan sa foreign ownership sa ilalim ng ating Konstitusyon, ayon sa ilang mambabatas.
Pagbabahagi ni Palawan Rep. Jose Alvarez, PDP-Laban president, nakausap niya kamakailan ang Korean ambassador to Manila.
Dito, sinabi ng ambahador na sa 343 Korean investors, tatlo lang ang nagdesisyong magtayo ng negosyo sa Pilipinas.
Habang ang 340 ay pinili ang Vietnam.
“Yung 340 went to Vietnam. Hindi ba sapat na…na buksan na natin yung economy kasi kulelat na nga tayo sa buong ASEAN,” ani Alvarez.
Sabi pa ng mambabatas na dating negosyante at nakaikot na sa ASEAN, hindi sapat ang mga naipasang liberalization laws na pinagtibay ng kongreso gaya ng amyenda sa Public Service Act para makaakit ng foreign investments.
“Yung mga napasang batas, opening-up the economy, hindi pa sapat. That’s very direct answer, because in the other countries, pagpalagay mo na sa Vietnam, wala namang foreign ownership sa lupa. Kasi in a communist state, all lands belong to the state. Pero definitive yung 25 years, 50 years, 75 years, ito iyong mga benepisyo. Ito yung investmet mo, ito yung taong i-employ mo. Kumpleto sa rekados,” dagdag niya.
Sabi naman ni Aklan Rep.T eodorico Haresco Jr. na kailangan magbigay ng malinaw na senyales ang bansa sa mga investor.
Umiikot kasi aniya ang Pangulo sa iba’t ibang bansa para sabihing bukas na ang Pilipinas para makipag-negosyo ngunit sarado naman ang ating konstitusyon.
“Let us have a healthy discussion. Ang sinabi nga ni Presidente, of highest national interest, kasi sinasabi nya sa buong mundo, sa kanyang paikot-ikot, we are open for business. Since the time of President Fidel V. Ramos, sinasabi nila, 8th Congress open for business, pero pagdating ng investor dito, sinasabi ng Konstitusyon, we are closed to business. So open, close, kaya naiiwanan tayo sa pansitan,” ani Haresco.
Tinukoy pa nito na nang magsimula ang ASEAN noong 1967 ay pangatlo ang Pilipinas sa pinakamaunlad na bansa hanggang 1997, ngunit ngayon ay pangatlo na lamang tayo sa huli.
“Look at our ASEAN neighbors, when we started ASEAN 1967, we were No. 3 most prosperous country…since 1997, we were the last of the five founding members of ASEAN. Now we are third to the last, third and the last being Laos, second Myanmar…they changed their Constitution to reflect the global changing world. We base our assumption that if we open up the discussion on the Constitution, we’d break up our society. That is completely untrue,” diin ni Haresco. | ulat ni Kathleen Forbes